\"Writing.Com
*Magnify*
SPONSORED LINKS
Printed from https://shop.writing.com/main/campfires/item_id/1931013-PAGMIMISYON
Item Icon
\"Reading Printer Friendly Page Tell A Friend
No ratings.
by Willer Author IconMail Icon
Rated: E · Campfire Creative · Article · Religious · #1931013
Isang Sariling Pananaw sa Pagmimisyon
[Introduction]
PAGMIMISYON – Isang Sariling Pananaw

PAGSASAGAWA

“MAHIRAP…”
Ito ang madalas na bukambibig ng isang mananampalataya pagdating sa Pagmimisyon. Ngunit walang mahirap kung ikaw ay may kusang-loob na pagsang-ayon at kahandaan na sumunod sa utos ng Panginoong Jesus. Sabi sa Filipos 4:13 “Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo”. Ang Panginoong Jesus ang nagbibigay sa atin ng lakas, salapi, panahon, buhay, at kaligtasan upang magawa natin ang nais Niya – ang paghayo at pagbahagi ng Kanyang Salita sa lahat ng mga tao (Marcos 16:15).
Lahat ng mga Cristiano o mga naligtas ay dapat masangkot sa Pagmimisyon. Tayo ay tinawag ng Diyos upang ikalat at huwag ikahiya ang Ebanghelyo. Huwag tayong matakot o mangamba, tiisin natin ang mga kaakibat na kahirapan at pagsubok, alang-alang sa pagsasagawa ng isang Misyon (2 Timoteo 1:7-9).
Ayon sa Mateo 22:14, “…marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili”. Ngunit huwag mo namang sabihing, sila lang o ang mga Pastor at mga Manggagawa lang ang napili o hinirang ng Diyos na Magmisyon. IKAW, bilang isang karaniwang kasapi ng isang Iglesya o Pagtitipon ay maaaring pinili din naman.
Baguhin mo at iwaksi ang mga negatibong pag-iisip (Roma 12:2) dahil “MAY MAGAGAWA KA PARA MAKATULONG SA PAGLAGO NG PAGMIMISYON”!



PANANALANGIN

Lahat ng mga matagumpay na gawain ay bunga ng masigasig na pananalangin. Kung walang panalangin, wala ring mangyayari, magaganap, o mabubuo.
Mahalaga ang pagtawag sa Diyos kapag tayo’y Magmimisyon. Dito natin malalaman kung tayo ba ay isa sa mga napili na maging Misyonero. At sa pamamagitan nito ay magkakaroon tayo ng sapat na lakas at determinasyon upang magpatuloy at hindi basta-bastang susuko na lamang. Dito rin natin mababatid kung paano kumikilos ang Diyos upang tayo’y tulungan sa lahat ng pagkakataon.
Dapat nating iasa sa Diyos ang lahat-lahat ng bagay tungkol sa Pagmimisyon dahil Siya ang bahala at Siya ang lubos na nakakaalam kung paano bubuksan ang mga pintuan, bintana, at daan upang maipahayag ang Kanyang Pagliligtas sa mga hindi pa nakarinig ng Ebanghelyo at sa mga taong hindi pa nakasumpong sa Tunay na Tagapagligtas.
Tayong mga Cristiano ay kakasangkapanin at gagamitin ng Diyos upang mailikas ang mga tao mula sa kadiliman patungo sa Liwanag (Juan 1:9). Ang ating pagtawag sa Diyos sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon ay siyang unang dapat gawin ng isang Cristianong nais sumunod sa pagsasagawa ng dakilang gawain ng Pagmimisyon. Bagamat alam na ng Diyos na kailangan natin Siya, ang pananalangin ay napakahalaga pa rin sa bawat oras (Filipos 4:6).



PAGBIBIGAY

“Paano tayo hahayo o makakapunta sa dapat nating pagdalhan ng Mabuting Balita?”
Isang simpleng tanong na napakahirap sagutin kapag ang isang tao’y makasarili. Ang tumpak na kasagutan ay: MAGBIGAY.
Pakatandaan natin na ang Diyos ang unang nagbigay sa atin ng Kanyang Kaisa-isang Anak (Juan 3:16) na naging dahilan upang si Jesu-Cristo ang kauna-unahang nagbigay ng Kanyang Sarili sa atin upang tayo’y maligtas sa kamatayan. Ipinako Siya at nalagutan ng hininga sa Krus ng Kalbaryo para sa akin at sa’yo. Isang kamatayan na pinakamatindi sa lahat ng uri ng pagkamatay na kusang-loob na tiniis ng ating Panginoon alang-alang sa Kanyang Pagbibigay ng Kaligtasan. SAKRIPISYO, ito ang tawag sa Kanyang ginawa.
Ngayong nagawa na ng Tagapagligtas ang Kanyang bahagi, ang Pagbibigay. Ito ang siyang naging dahilan na tayo naman ngayo’y nagkaroon ng karapatan upang magbigay din ng sakripisyo na maluwag sa dibdib (Roma 12:1), at maluwag sa bulsa (2 Corinto 9:7).
Sa totoo lang, ang Diyos din naman ang nagbigay sa atin ng salapi, pati na ng ating lakas upang makapaghanap-buhay kaya’t wala talaga tayong maidadahilan upang hindi magbigay upang masimulan at maisagawa ang Pagmimisyon.



AKRONIM NG SALITANG “MISYON”
M-agandang
I-sakatuparan at
S-imulan ang
Y-ayabong na
O-bligasyon
N-atin


Nawa ay nakatulong ang munting pananaw na aking ibinahagi sa inyo. Sana’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat ng mga Cristianong nagpapahalaga sa mga gawain ng Diyos lalung-lalo na sa nakasaad sa Mateo 28:19-20. Sa Diyos ang luwalhati!
Para sa karagdagang impormasyon o nais mong makipag-usap tungkol sa mga katotohanang kagaya ng nabasa mo o gusto mong magbigay ng karagdagang mungkahi, suhestiyon atbp., makipag-ugnayan po lamang sa may-akda, maaari kang magtext o tumawag sa 09222260990, puwede ka ring mag-email sa willer10@writing.com.
Nagagalak po kami sa gagawin mong hakbang. Pagpalain ka ng Diyos!



Copyright © 2003 by WJ Manares. Revised Edition 2013. May be reproduced by asking permission from the author and publisher.

This item is currently blank.

Printed from https://shop.writing.com/main/campfires/item_id/1931013-PAGMIMISYON