realities existing in school affecting students |
Hindi ko alam kung bakit at paano ako napadpad sa lugar na kinaroroonan ko ngayon. Hindi ko kayang arukin ang dahilan ng Panginoon kung bakit sa dinami-dami ng lugar na pwede kong puntahan ay dito pa kung saan wala akong ibang makita kundi Siya at ang kabutihan Niya.Ni sa hinagap o sa pangarap ay hindi ko inakalang maiaagos ako ng tadhana dito. Marahil ay napansin Niya na sa panahong iyon ay kailangan kong maramdaman ang pagkalinga. Marahil dahil narin unti-unti ay nawawalan na ako ng pag-asa kaya't kinailangan Niyang ipakita na meron pa namang natitira. At nagpapasalamat ako na kahit ako’y isang ligaw na ibon, nagawa pa rin Niyang tugunan ang aking mga pangangailangan. Sa naaalala ko, nasa kolehiyo pa lang ako, pakiramdam ko’y pasan ko ang buong daigdig. Hindi lamang sa problemang pampuso,naroon narin doon ang pampamilya na kadalasang dahilan ay ang kasalatan sa pera, at idagdag pa doon ang mga problemang palagi na lamang itinatapon sa mga mag-aaral na kagaya ko. Minsan ay naisip ko narin, bakit ko kailangang problemahin ang mga ito gayong ang ilan sa mga estudyanteng kagaya ko ay hindi rin nga lang napapansin ang mga katiwaliang nangyayari sa kanilang paligid? At kung nakikita man nila ay pilit naman nilang ipinipikit ang mga mata sa katotohanan na patuloy na nagpapahirap sa amin. Hindi ko na siguro kailangan pang pangalanan at isa-isahin pa ang mga tinutukoy kong mga katiwalian at alam kong alam nyo rin kung ano-anu ang mga ito. Hindi ko na rin pilit pang tatalakayin ang mga kabulastugang nakita ko noon pagkat alam kong kahit ano pa ang gawin ko ay hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan. Ang tanging maisasalaysay ko na lamang ngayon ay ang sarili kong karanasan na kahit kailan ay hindi ko malilimutan.Ito ang mga pangyayari na nagturo sa akin kung paano lumaban at magpakatatag. Ang mga sandaling nagpaluha sa akin, at dahil sa mga dagok na ito, minsan sa buhay ko ay nag-alaga ako ng konting hinanakit at poot dito sa aking kalooban. Nasa unang baitang ako ng kolehiyo nang pilit akong isali ng aking instructor sa pahayagang pampaaralan.Iyon ang unang taon na binuhay muli ang matagal nang natutulog na The Sea Treasure. At isang karangalan para sa isang baguhan na kagaya ko ang mapabilang sa mga makamahikang kamay na nagpagising nito mula sa pagkakahimbing. Mataas ang nakuha kong puntos sa pagsusulit, sa katotohanan ay ako ang nakakuha ng pinakamataas na grado sa halos tatlumpong kumuha mula sa iba’t-ibang dibisyon at baitang ng kolehiyo. Halos ipagmalaki ako ng aking mga kaibigan at maski ako sa sarili ko ay napatunayan ko na kahit kinalimutan ko ang pangarap dahil sa kahirapan, naririto pa rin at nanatili sa puso ko ang pag-ibig sa pagsusulat. Iyon nga lang, sa araw na ipinatawag ang lahat na nakapasa, at iluklok na rin sa iba’t-ibang posisyon ay nakaramdam ako ng kaunting panlulumo. Hindi ko lubos na matanggap na dahil lamang sa edad at dahil sa baguhan pa lamang ako ay hindi ako nahirang na editor-in-chief. Okey lang naman sa akin kahit hindi ako, kahit news editor lang ako sa simula. Baguhan pa lang ako at mataas na posisyon na rin iyon para sa isang kagaya ko. Ang ikinalulungkot ko ay ang naramdaman kong diskriminasyon sa mga panahong iyon. Bakit? DAhil ba bata pa ako kaya inisip nila na hindi ko kaya?Hindi ba’t pinatunayan ko naman na kaya ko at naipakita ko iyon sa resulta ng pagsusulit?Hindi naman sumama ang loob ko kay Manang Julie Ann na siyang nakakuha ng posisyon. Mas matalino siya kung tutuusin. Sana na lang, hindi na nila sinabi pa sa akin ng personal ang dahilan kung bakit hindi ko nakuha ang posisyon. Kahit bata pa ako noon, kaya ko namang intindihin kung ano ang nagyayari sa paligid ko. Pagkatapos ng isang buwan,binggo!naipalabas namin ang unang isyo. Napakainam tingnan ng mga pangalang nakalimbag sa ilalim ng bawat artikulo. Hindi na rin sumama ang loob ko kahit pa na ako ang nagsulat sa mga nakapangalan sa iba.”Ghost Writer” ika nga. Kaysa naman magmukhang personal na pahayagan ni LONESTAR ang babasahin ng mga estudyante, di ba? Nagtapos ang taong iyon sa isang Recognition program kung saan kinilala ang mga estudyanteng nagpakita ng galing sa iba’t-ibang larangan. At siyempre, ang inyong lingkod, walang nakuha kahit isa.Kahit na ilang beses na rin akong nagdala ng pangalan ng ISCOF sa iba’t ibang patimpalak.Bakit? kasi daw, sabi ng tagapayo namin, first year pa lang naman ako. Give the chance daw sa mga gagraduate. Okay, fine! Pagdating ng pasukan, balik na naman sa buhay estudyante, aral dito, aral doon. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagsusulat sa kabila ng mga karanasan ko. At hindi lang iyon, ipinagpatuloy ko rin ang aking munting political career. Tumakbo ako bilang gobernador o pangulo ng Teacher Education Division mula sa isang simpleng representante ng aming klase. Siyempre pa’t nanalo ako dahil wala namang lumaban sa akin! Doon nagsimula ang dagok sa buhay ko. Kasabay ng mga pagbabagong nangyari sa ISCOF, ay marami ring pagbabagong naganap sa buhay ko at sa katauhan ko… Nasa kalagitnaan ako ng aking posisyon bilang gobernador nang magpalit ng presidente ang kolehiyo. Tulad ng inaasahan, maliban sa mga bagong mukha ay maraming bagong sistema ang natupad sa paaralan. Nagpalit-palit ng posisyon sa administrasyon, na siyang nagpalito sa aming mga estudyante. Ni hindi namin alam kong sino ba talaga ang dapat naming takbuhan. Sa madaling salita, nagkahati-hati ang simpatiya ng mga tao sa kolehiyo. Mayroong taga-kanluran, mayroong taga-silangan. Mga prinsipyong kahit anong gawin ay di kailanman maglalapit. Kahit kami sa pahayagan ay hindi na malaman kung ano ang dapat isulat. Bilang isang manunulat alam ko hindi kami dapat malito sa mga nangyayari. Ang katotohanan at pawang katotohanan lamang ang dapat na isulat. Pero ano ang magagawa ng isang estudyante kung mismo ang paaralan ang nagbawal sa amin upang itago ang lahat ng kabulukan na nangyayari sa loob? Ito rin ang dahilan kung bakit nagbitiw sa serbisyo ang aming tagapayo. Siya mismo ay nawalan na rin ng pag-asa pang iahon ang pahayagan. Hindi rin maiwasan na madamay ang aming student council sa mga isyong iyon. Kaliwaan ang mga problemang dumating sa organisasyong kinabilangan ko. Ngunit, pinilit kong maging matatag para sa lahat ng mga estudyanteng kinakatawan ko. Dahil alam ko, sa mga panahong iyon, ako ang inaasahan nila. Nagsimula ito nang nakipagkasundo ang presidente at bise-presidente ng kolehiyo na maglunsad ng isang palabas kung saan kinailangan bumili o magbenta ang bawat estudyante ng tigdalawang ticket na naghahalaga ng limampong piso bawat isa. Kung hindi, ay maaapektuhan ang kani-kanilang grado. Nakasaad ito mismo sa memorandum na ibinaba ng mismong pangulo ng kolehiyo. Nagkagulo ang mga estudyante at nakarating ito sa aming tanggapan. Doon lang namin nalaman na ang ticket ay nakapangalan sa aming organisasyon. Muntikan na kaming kamuhian ng mga estudyante dahil nga buong akala nila na kami ang may pakana ng lahat at isang araw na lang ay ipapalabas na ang acrobatic show. Agad kaming nagpulong at umaksyon ngunit huli na ang lahat. Sa susunod na araw na ito ipapalabas. Ang tanging nagawa na lang namin ay ang labanan ang memo na ibinaba ni Sir. Siguro dahil nagising din ang mahal na pangulo sa mga technicalities na nalabag niya at ng kanyang HUKBO kaya’t agad na binawi niya ito pagkatapos naming magsignature campaign sa mga estudyante. Bilang simbolo ng hindi namin pagkagusto sa aksyon ng administrasyon, hindi kami sumipot sa araw na inilunsad ang palabas. Ang resulta? We were marked ABSENT. Sinubukan kong isulat ang mga pangyayari sa aming pahayagan. Ano ang aking napala? Hinarang lang naman ng administrasyon ang artikulong naisubmit ko na sa printing house.Paano? Sa pamamagitan lang naman ng bagong hinirang na tagapayo. At ano ang karapatan niya? Siya lang ang nakakaalam.Ginusto kong ipaglaban ang aking karapatan at ang karapatan ng mga mag-aaral. Minsan na ring humantong sa puntong itinakbo sa hospital ang mahal na pangulo dahil sa mga binitiwan kong salita sa text. Marahil ay kinabahan…(I am not kidding). Ilang ulit na rin akong tinakot ng kanyang mga apostoles, kesyo expulsion daw ang ikakaso sa akin,pinagsabihan na rin akong kilalanin ang kinakalaban ko. Matalas daw kasi ang tabas ng dila ko… Hindi naman, maganda lang ang sulat kamay ko. Minsan din ay may kumalat na text brigade na di umano’y galing sa akin o baka naman kapangalan ko daw na nagsasabing dapat daw ay paalisin ang mahal na pangulo. Doon ko narealize, sikat na sikat na pala ako. Ilang beses na rin akong ipinatawag sa lahat ng opisina sa itaas, ang iba ay galit sa akin dahil sa pang aaway ko sa mahal na pangulo at kawalan ko daw ng respeto, at iyong iba naman ay kampi dahil siyempre gusto nilang may pinuproblema ang presidente. Ganoon kasi, ‘pag hindi ka kabilang sa silangan ay siguradong taga-kanluran ka. Hindi naglaon nagkaharap-harap din kami ng mahal na pangulo. At imbes na siya ang manumbat ay nilakasan ko talaga ang loob ko para ako na ang gumawa. At totoo naman. Kung gusto nilang magkagulo sana huwag na nilang idamay ang council at ang publication. Sana ilabas na nila ang estudyante sa gulo nila. Ang lumalabas kasi, kami pang mga estudyante ang ginagamit nila para sa kanikanilang interes. Pagkatapos ng ilang beses na pagkakaospital, personal na bumaba sa posisyon ang mahal na pangulo at boluntaryong bumalik sa isang unibersidad dito sa lungsod kung saan siya nanggaling. Pansamantala, nakaramdam din kami ng kaunting tagumpay sa panahong iyon. Pumasok ang bagong tagapamahala ng kolehiyo na siya ring director ng CHED. Dala niya ang bagong pag-asa para sa lahat. Unti-unting bumuti ang sitwasyon dahil na rin sa pagda-damage control. Bumalik ang kalayaan ng council para magdisesyon at ang publication para magsulat nang walang takip ang mga mata. Nagtapos na naman ang taon sa isang programa at sa pagkakataong ito, nakuha ko ang Most Outstanding Student Leader at Most Outstanding Student Journalist Awards. At mas nakakasorpresa, nakatanggap ako ng isa pang parangal mula sa Department Of Tourism bilang isang manunulat, at iba pa mula sa iba’t ibang patimpalak sa pagsulat na dapat sana’y noong nakaraang taon pa ibinigay sa akin. Sabi nga ng aming dekana, dahil daw hindi na nakaabot noong nakaraang taon. Sumunod ang ikatlong baitang ng buhay ko sa kolehiyo. Nagsimula ito sa isang napakaimportanteng palaisipan. Sa student council, ako at ang aking kaibigan na si Mark mula sa Maritime studies ang inaasahang pumalit sa naiwang pwesto para sa pagkapresidente. Sa kabilang dako, sa publication ay ako rin ang inaasahang magpatuloy dahil nga apat na lang kami ang natira. Grumaduate na kasi ang mga kasamahan namin. Sa panahong iyon kinailangan kong pumili kung alin ba talaga ang matimbang sa akin. Hanggang sa nagdesisyon akong ibigay ang oportunidad kay Mark para sa pagkapresidente kasabay ng isang pangako na maging bise presidente nya. Naging editor-in-chief ako habang bise presidente ng council Pero siyempre, hindi doon nagtapos ang lahat. Sabi nga ng nauna na sa akin, kahit anong pilit mo hindi mo talaga maihihiwalay ang personal na buhay sa trabaho. Para sa iba, hindi ito totoo,pero sa akin naging makatotohanan ito. Sa mga panahon na iyon, hindi ko parin nakakalimutan ang ginawa niyang pagharang sa aking mga artikulo. Minsan, pinalagpas ko iyon. Wala na akong ibang inisip noon kundi kung paano mapapaganda ang labas ng pahayagan upang makasali kami sa ibang patimpalak kagaya ng COPRE na dati ay pinapanalunan namin. Nagkataon, may subject kaming campus journalism sa ilalim din ng tagapayo namin sa pahayagan. Ang masama, imbes na siya ang magturo sa loob ng klase ay nagiging audience ko na lamang siya. Pinalagpas ko parin for the sake of my grades, kahit nahirapan na akong balansehin ang oras para sa pag-aaral ko, sa council, sa publication at sa pagtuturo . Challenge na rin iyon sa akin. Pero habang tumatagal parang hindi ko na nararamdaman na may tagapayo kami. Kailangan ko pa kasing pumunta sa ibang tao para magtanong tungkol sa mga legalities ng mga papeles na labas-pasok sa opisina. Para sa akin kasi, mabuti na iyong sigurado. Wala rin siya sa mga panahong kailangan namin ng isang guro na magsasabi kung mali o tama ba ang naisusulat namin. Pakiramdam ko totohanan na talagang independence iyon, kasi nga lahat na iniasa sa akin. Ang masama pa, siya ang may hawak ng opisina kaya kung wala siya hindi rin kami makakakilos. Paano nga, ang opisinang ibinigay sa amin ay hindi naman talaga permanente. Hindi daw dapat kami nandoon palagi. Paano kami makakasulat kung bawal pumasok, di ba? Dahil din dito, unti-unti nang nawalan ng gana ang mga kasamahan ko. Paano’y gagastos sila ng pamasahe papunta sa eskwelahan kahit walang pasok tapos wala din pala si Ma’am. Masakit para sa akin bilang editor-in-chief na marinig ang ganitong mga hinanakit. Pakiramdam ko kasi wala akong nagawa. Isang araw pa noon, pinagalitan niya si Inday, kasi daw inutusan niya na magpaphotocopy ng evaluation sheets niya gamit ang aming supply na bond papers. Nang malaman niya na hindi naman bumaba ang presyo kahit may bondpaper, sinabihan pa daw niyang hindi gumagamit ng isip. Nagkasakit ako noon dahil nga sa stress. Nagulat na lang ako nang pagbalik ko wala na akong naabutan sa mga staff ko. Lahat sila nagbibingi-bingihan na lang. Ikinuwento ni Em-em sa akin ang nangyari at lalo akong nanlumo. Nagalit ako,oo. Pinaghirapan ko kasing hikayatin ang mga kasamahan ko para lang pagalitan niya. Ang sabi pa niya, hindi naman daw kawalan ang isang Ritchelle sa staff. Hindi kasi niya alam na hindi lang pagiging staff ang samahan namin.Nandoon na rin ang pagkakaibigan at pagkakapatid na turingan. Iyon na nga lang ang dahilan kung bakit dinadamayan pa rin nila ako kahit hindi na nila kayang ibalanse ang pag-aaral at ang publication.Kaya iyon ang simula at nagfile ako ng complaint at motion para mapalitan ang aming adviser.Nang maisubmit ko na ang sulat sa opisina ng Presidente at sa CHED saka ko sinubukang kausapin siya tungkol dito. Pinuntahan ko siya sa mismong bahay niya subalit umalis daw siya papuntang Romblon for a seminar. Kumalat na ang isyu nang makabalik siya at wala na rin akong nagawa. Kahit nireconsider ang sulat ko, malaki na kaguluhang ibinunga nito. Sukdulan hanggang langit ang galit niya sa akin na maging sa klase namin ay hindi niya ako gustong pumasok. Sa simula tahimik lang ako, ayoko kasing palakihin pa ang gulo. Pero siya pa rin ang gumagawa ng dahilan para lumaban na rin ako sa kanya. Naroon na iyong pinatatawag niya ako sa kwarto at pinagsasalitaan ng hindi maganda. Kesyo, karelasyon ko daw ang college accountant namin,.na kaya ko daw nagawa iyon sa kanya kasi desperado na ako sa kahirapan, sa kalungkutan ng buhay dahil wala akong nakagisnang ina,at ni hindi ko na raw inisip lahat ng kabutihan niya sa akin.Na kaya ko daw siya pinaalis sa pwesto niya dahil hindi daw ako nakakatanggap ng rebate. Nakapagpatayo lang daw ako ng opisina at nakabili ng computer ay para na raw akong sino. Na kaya lang naman ako nagdesisyong lumaban sa kanya dahil sa utos ng iba. Nilunok ko lahat ng panlalait at pambibintang niya sa akin at pilit na kinalimutan. Pinilit ko ring intindihin na lamang ang masakit na kapalaran niya at ang kabiguan ng mga pangarap niya. Alam kong may mga mabibigat din siyang pinagdadaanan. Pero kahit anong gawin kong pagpasensya, hindi ko maalis-alis sa isip ko ang mga salitang iyon. Minsan, naibagsak pa niya ang kanyang mga libro sa klase dahil lamang mas pinili kong maupo sa harapan niya mismo habang naglelecture siya. Minsan din, napagalitan niya ang mga kaklase ko dahil pakiramdam niya pinagtatakpan nila ako. Muli, pinatawag na naman ako para pagbawalan na pumasok sa klase niya dahil hindi daw niya kayang magdeliver ng class sa presensya ko.Halos isang buwan din na wala kaming klase sa kanya. Ewan ko siguro, dahil sa konsensya o sa kung anu man. Muli kaming nagkita sa opisina ng bise presidente para ayusin sana ang gulo. Handa rin naman akong makipag-ayos pero ang hindi ko kaya ay ang ibigay ang gusto niya: Ang humingi ako sa kanya ng sorry. Hindi ko kaya kasi nga alam ko naman na ako ang agrabyado, ako ang nilait. Paano ako hihingi ng paumanhin para sa kasalanang hindi ko naman nagawa? Namatay ang aming bise-presidente nang hindi kami nagkaayos. Sa lamay, pinilit pa ako ng aming Asst.direktor na batiin siya pero ni tingin ay hindi ko nagawa. Ayoko lang na gumawa ng eksena. Gusto ko, kapag nakipag-ayos ako, iyong buo sa puso ko at hindi napipilitan lang. At isa pa, pumunta kami doon para makiramay, hindi para gumawa ng scoop. Ibinulong ko nalang kay Ma’am Tess na sana, naiintindihan na niya ako ngayon. Nadagdagan pa ang away sa pagitan namin nang minsan ay ipagkait niya ang grades namin sa journalism. Parang napagod na rin siguro ako kaya hindi ko na rin naipaglaban pa ang gradong dapat sana ay sa akin. Saan ka ba nakakita ng Editor-in-chief na 2.0 sa journalism? Ako lang at sa akin lang. Okey lang sa akin kahit 2.0 o kahit 3.0 pa ang ibigay niya. Minsan nga nasabi ko sa kanya, subukan niyang bigyan ako ng failing grade at idi-dare ko talaga siya sa isang patimpalak sa pagsusulat. Na hindi naman niya ginawa. Hindi na importante sa akin ang grado at ang laudeship noon. Ginusto ko nalang makagraduate na agad para makaalis na. Punong-puno na kasi ako sa lahat. Pakiramdam ko kahit kailan hindi na mawawala ang sama ng loob na idinulot ng aking karanasan.Kahit graduate na ako, kapag nagkasalubong kami sa daan, hindi ko parin magawang bumati sa kanya. Gusto ko nalang tingnan siya sa mata at nang mabasa niya lahat ng hinanakit ko sa kanya. Gusto kong maramdaman niya na hanggang ngayon, nandito pa rin ang bakas ng sugat na ginawa niya. At nang mapadpad ako dito, unti-unti ko nang naaapreciate ang kabutihan sa likod ng maputik na karanasan na iyon. Dahil na rin doon,natuto ako sa mga bagay na kailangang matutunan para hindi na rin masaktan. At siguro, kung hindi rin dahil sa mga pagsubok na iyon, hindi ako mapapalapit sa Kaniya. Noon kasi, Siya lang ang kasama at kausap ko.Hindi ko ito sinasabi dahil nagbabalak akong pumasok sa pagkamadre. Sinasabi ko ito dahil ito ang nararamdam ko. Naawa na rin Siya sa akin kaya nandito ako ngayon sa tabi Niya.Sa tabi ng mga taong nagmamahal at naniniwala sa akin. Sa mga taong kailan man ay hindi ako lalaitin at sasaktan. Iniisip ko na lang,iyon ang paraan ni Bro para sabihin sa akin na kahit minsan ay hindi Niya ako kinalimutan…Thanks Bro! |